Suspensyon ng klase ipaubaya sa DepEd – Tolentino

Isinusulong ngayon ni Senador Francis Tolentino ang isang panukala na naglalayong ibigay sa kalihim ng Department of Education (DepEd) ang kapangyarihan na ipagpaliba ang klase sa panahon ng emergency at kalamidad.

Sa Senate Bill No. 1457 aamyendahan nito ang Republic Act No. 7977 para ibigay na lang sa kalihim ng DepEd ang awtoridad sa pagbubukas ng klase at pagsimula ng school year sa petsang hindi lalagpas ng Agosto lalo na kung may nangyari kalamidad o emergency bago ang simula ng klase.

Bukod diyan, inihain din ni Tolentino ang Senate Bill No. 1458 na magbibigay ng kapangyarihah sa kalihim ng DepEd na paikliin ang school year at i-mass promote ang mga estudyante sa panahon ng kamalidad at emergency tulad ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa ilalim ng batas, magsisimula ang school year ng hindi lalagpas sa huling araw ng Agosto.

“Dapat nang amyendahan ang batas na ito, lalo pa ngayon na nahaharap tayo sa epidemya ng COVID-19 at hindi natin talaga alam kung kailan maaaring magbukas ang mga paaralan,” ani Tolentino.

“There really still no certainty as to when the country will be able to effectively control this contagion and this will certainly put students at risk of contracting the disease as they attend and congregate in schools in the usual opening of classes in June of 2020,” dagdag nito.

Nauna nang sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na nakatakda ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24 taliwas sa naunang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na gawin ito sa huling bahagi ng Setyembre.

Ayon kay Tolentino, kailangang amiyendahan ang RA 7977 para maiwasan ang anumang legal dilemma at magkaroon ng sapat na oras ang gobyerno para magpatupad ng safety measure upang maprotektahan ang kalusugan ng mga estudyante na dadalo sa klase.

Nais din nitong awtorisahan ang kalihim ng DepEd na bawasan ang school year mula sa kasalukuyang 220 araw at bigyan ng passing mark ang mga naapektuhang mga mag-aaral.

“The law on the matter, Republic Act No. 7977, does not allow for such humane measure as it provides that the school year shall be not more than 220 days and ending or shortening the school year may be considered a violation. Hence, there is a need to amend the law,” ani Tolentino. (Dindo Matining)