Sinuportahan ni Sen. Panfilo Lacson ang suspensyon ng peace talks sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) dahil wala umanong silbi ang peace negotiations kung hindi kontrolado ng CPP at NDF ang NPA.
“Nakikipag-usap tayo tapos sasabihin ng CPP at saka NDF wala silang control sa NPA. E bakit tayo nakikipag-usap sa CPP-NDF, inamin naman nila wala silang control sa NPA?” diin ni Lacson.
Nitong Sabado ay umatras ang government peace panel sa fifth round ng peace talks sa Netherlands dahil patuloy ang ginagawang pag-atake ng NPA sa puwersa ng gobyerno.
Buwelta naman ng NDF, idinadamay ng puwersa ng gobyerno sa kanilang operasyon laban sa Maute Group ang NPA ngayong nasa Martial Law ang buong Mindanao.
“Ayusin muna nila ang kanilang organization, ang CPP-NPA-NDF. Sila ba ay iisa pa o watak-watak na, hiwalay na ang NPA?” giit pa ni Lacson sa isang programa ng himpilang DzBB.
“Hindi ba dapat kausapin natin ang NPA, ang ground commander? Dahil hindi naman pala sila sumusunod at ‘di sila nako-control ng CPP at NDF. At sa Netherlands pa sila nag-uusap, ang leaders nila nagpupunta roon tapos aaminin nila ‘di sumusunod,” dagdag pa niya.