Susugal kina Angel at Coco

For the record
Ni Jeane Lacorte

Dalawang taon pa naman bago mag-eleksyon pero ngayon pa lamang ay marami na ang nag-uusap-usap tungkol dito.

Nariyang palutangin ang pangalan ng mga sikat na Kapamilya stars na sina Angel Locsin at ang pinakahuli ay si Coco Martin.

Ang dalawa ay itinutulak na tumakbong Senador dahil sa ipinamalas nilang kabutihang-loob at katapangan.

Sa mga panahong ito kadalasan ang dalawang katangiang ito ang unang tinitingnan ng taumbayan para ibigay ang kanilang suporta sa isang kandidato.

Sabagay kahit ako naman ang tanungin, mas bet ko pa ang dalawang artistang ito na tumutulong galing sa kanilang bulsa kesa sa mga politikong matagal na sa serbisyo pero walang ginawa kundi pagkakitaan ang posisyong kanilang hinahawakan.

Nasubukan ng taumbayan sina Angel at Coco ngayong panahon ng pandemya kung saan ay matinding pagkabagot ang inabot ng lahat dahil sa napakaraming problemang kinaharap ng bansa na nasabay pa sa isyu ng ABS-CBN franchise renewal.

Ang hiling ko lang ay hindi sana masilaw ng mga salaping nakurakot ng mga politiko sa COVID crisis ang mga botante sa 2022.

***

Patuloy sa pagtaas ang numero ng mga nagpositibo sa coronavirus disease 2019 o (COVID-19).

Sa pinakahuling ulat nitong Lunes, Hunyo 15 naitala sa mahigit 26,ng Department of Health (DOH) ang COVID positive kung saan ay 490 ang naitalang naimpeksyon, 348 naman ang kinaklasipika nilang “fresh” o kaka-validate lang at 142 ang nahuli sa pagpapatala dahilan upang umakyat sa 26,420 ang kabuuang bilang ng kaso ng may COVID sa bansa.

May bongga naman dahil record high ayon sa DOH ang 298 na pasyente pang nakarekober kaya umakyat na sa 6,252 ang kabuuuang bilang ng mga gumaling sa virus.

Pero siyempre naital anaman sa kabuuang 1,098 ang nasawi at 10 ang nadagdag sa nasabing bilang.

Ang good news pa ay ito ang panlimang araw na dire-diretsong nakapagtala ng mahigit sa 200 ang nakarekober at pang-apat na araw na may double-digit na bagong mga patay.

Kaya sa kabila ng usap-usapang mali-maling datos ng DOH, ang panghahawakan na lamang natin ay ang bilang ng gumaling para kahit papaano ay maging positibo ang ating pananaw sa kabila ng nakakawindang na mga kaganapan sa ating bansa dahil sa epektong dulot ng COVID-19.

***

Isa pong panawagan sa mga local government units ang nais nating iparating ngayong limitado ang pinapayagang transportasyon.

Ito ay patungkol sa sobra-sobrang paniningil ng mga tricycle drivers. Alam kong limitado ang kanilang pasahero kaya kailangan nilang mag-adjust ng pamasahe pero huwag naman sa puntong sumobra naman sila sa pananaga sa kanilang mga pasahero.

Sana ay mabigyang pansin ito ng mga LGUs lalo na dyan sa Southville 3, Barangay Poblacion, Muntinlupa City kung saan ay P50 ang singil sa isang pasahero gayong wala pa namang dalawang kilometro ang layo ng biyahe.

Mayor Jaime Fresnedi, baka po puwede ninyong ipapasadahan sa mga tauhan niyo ang hindi makataong gawain ng mga tricycle driver sa nasabing lugar. Salamat!