Susugan batas sa PSHoF

ramil-cruz-turning-point

Matagumpay na naisagawa noong Huwebes ng gabi, Nobyembre 22, ng Pilipine Sports Commission ang 3rd Philippine Sports Hall of Fame 2018 sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.

Sa 10 pinarangalan, 4 na lang ang mga nakarating o nananatili pang mga buhay para tanggapin ang mga parangal. Sila ay sina Lydia ‘Diay’ de Vega-Mercado ng athletics, Rafael ‘Paeng’ Nepomuceno at Olivia ‘Bong’ Coo ng tenpin bowling, at Erbito Salavarria ng boxing.

Dahil mga nasa kabilang buhay na, mga kamag-anak o mga kumatawan ang dumating para kina Filomeno ‘Boy’ Codiñera ng baseball/softball, Ben Arda ng golf, Lita dela Rosa ng tenpin bowling, Loreto Carbonell at Ambrosio Padilla ng basketball, at Josephine dela Viña ng athletics.

Mas masaya para sa isang nilalang o tao na makatanggap ng para­ngal kung buhay pa siya. Kulang rin sa kulay, ningning at tamis kung patay na ang awardee, dahil nga pamilya o kinatawan na lang po niya ang aakyat sa entablado para tanggapin ang parangal at makapaghayag ng kanyang saloobin.

Kaya akin pong minumungkahi na dapat susugan ng Senado’t Kamara ang Republic Act No. 8757 na bumalangkas sa PSHoF para makakilos ang PSC sa mga pagbabago rito sa hinihingi na rin ng panahon.

Nilagdaan noong Nobyembre 1999 ni dating Pangulong ­Joseph Ejercito Estrada ang batas para mai­daos tuwing ika-2 taon ang okasyon, na nais isa-immortal ang mga bayani natin sa sports at pamarisan ng mga kabataan ngayon.
Bukod sa dagdagan sana ang bilang na 10 sa mga isusunod na iluluklok kada taon kapag naamyendahan ang batas, pwede ring marahil itaas sa 15 o hanggang 20 pa ang mga gagawaran kada pagdaros.

Maigsi na kasi ang buhay ng mga tao nga­yon, 60-taon na lang ang average ng mga kapwa ko Adan at sa mga Eba ay 65.

Marami rin tayong sports heroes na talaga namang karapat-dapat na maging Hall of Famer at makuha ang kanilang parangal at pabuyang P100,000 ng PSC para naman manamnam nila ang kasiyahan at ang prestihiyo habang mga buhay pa sila.

Ano po sa palagay ninyo PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez?

Nagpapasalamat po ako sa PSC, lalo na kay Public Communications Office head Emmalyn Bamba at sa kanyang staff na si Chariza Fe de Vera sa pag-imbita sa inyong lingkod para sa pagtitipon.

***

Subaybayan po ninyo kami ni United Continents Philippines 2017 winner, bes Sara Jireh C. Asido ng Bulacan sa mas pinasaya’t pinagandang ABANTE Sportalakan tuwing Martes po sa Abante Web TV.

Paki-like, follow at subscribe niyo po kami sa Facebook: Abante News Online, sa FB: Abante Tonite. Sa IG: abante_tnt, sa Twitter: @AbanteNews, at sa YouTube: Abante Tonite po.

Marami pong sa­lamat, hanggang sa susunod na Martes MGA ka-Abante at Ka-TP. God bless us all!