Bakas sina Raymond Puyat at Donnie Sordan kay Smokin Saturday na nanalo sa PCSO Special Maiden Race noong Sabado sa MetroTurf.

Sakay si Jonathan Hernandez, malaking remate ang ginawa nito sa medya-milya at malayong manalo sa mahigpit na nakalabang si Selfie ng SC Stockfarm para maiuwi ang first prize na P600,000.

Naroon ang bagong PCSO General Manager Alexander Balutan kasama si AGM Dodie Zabella at iba pang opisyal ng PCSO para ibigay ang tropeo sa mga nanalo.

Pinasalamatan ni Metro Manila Turf Club chairman at president Dr. Norberto Quisum­bing Jr. sina GM Ba­lutan at AGM Dodie Zabella sa pagpapasinaya sa okasyon at pagdalaw sa MetroTurf.

Alam nyo ba na itong si GM Balutan ay iniretiro kailan lang ni Pangulong Digong dahil alam niya na ang background nito ay karapat-dapat sa pamahalaan. Beterano siya sa Mindanao conflict bilang isang Philippine Marine general at naging witness sa Senate investigations sa mga pandara­yang naganap noong 2004 presidential elections sa Mindanao.

***

Binalaan na ni PCSO GM Balutan ang illegal gambling operators na sila na ang susunod sa kampanya ng pamahalaan pagkatapos ng laban sa droga.

Maraming illegal na sugal ang kalat sa Kamaynilaan at sa buong Pilipinas at diretsong nakakaapekto sa mga legal tulad ng karera. Illegal na pasugalan na karamihan ay nasa proteksyon ng opisyal ng local go­vernment units.

Sa karera ay nagkalat at namamayagpag ang illegal bookies, mga “patong” ay alipores ng mga nasa city hall.

***

Paging Valenzuela City Mayor Rex Gatcha­lian! Masyado raw busy ang OIC ninyo sa BPLO na isang lawyer, laging nasa meeting at hindi tumatanggap basta-basta ng nagtatanong sa kalakaran sa kanyang opisina.

Kailangan daw ng maraming rekositos bago makakuha ng impormasyon na kaila­ngan.

Ipinapaala lang sa inyo Mayor Gatchalian at sa iyong BPLO-OIC na napirmahan na ni Presidente Digong ang freedom of information sa lahat ng government offices at local government units.

Puwera na lang daw kung may itinatago ang BPLO Office o kaya ay ang OIC nito sa Valenzuela City, Mayor Gatchalian?