Susunod na?

horses-in-box Andy Sevilla

May mga balitang magpapalabas na rin ng pagpapatigil sa Sabong Online Betting sa mga off-track betting stations (OTBs) ang local government ng Maynila sa mga susunod na mga araw.

Kapag natuloy ito, ang Maynila ang ikatlong lungsod sa Metro Manila na epektibong magpapatigil sa Sabong Online Betting. Kulang ito ng kaukulang permit o franchise mula sa mga local governments, pero tumatanggap ng mga taya at naipapalabas ang mga sabong fights mula Carmona City sa Cavite.

Nauna ang Valenzuela City, sumunod ang Caloocan City sa pagpapatigil ng Sabong Online Betting sa mga OTBs sa mga nasasakupan nito kamakailan kung kaya walang mga OTBs doon ang tumatanggap ngayon ng mga taya sa Sabong.

***

Mukhang malapit nang i-retire si Nyquist, ang nakaraang Kentucky Derby champion, na hindi na isasali sa US Breeders’ Cup Classic sa Nobyembre 5 sa Santa Anita Park.

Sinabi sa isang release na ipinalabas ng trainer nitong si Doug O’Neill na namamaga ang ankle ni Nyquist. “Though Nyquist is 100% sound and X-rays are clean, the timing unfortunately precludes us from the dream of having him run in the Breeders’ Cup Classic in our own backyard. Nyquist has had many supporters since his 2-year-old season and we want to thank all of the fans that have cheered him on.”

Wala nang naipakitang panalo si Nyquist buhat nung panalo nito sa Kentucky Derby. Pang-anim ito sa Pennsylvania Derby noong Setyembre 24, tersero sa Preakness Stakes, at pang-apat sa Haskell Invitational.

May plano nang ipasok sa stud sa Darley ang 2015 2-year-old champion pagkatapos ng kanyang career, pero hindi pa tiyak ni O-Neill kung ireretiro na o ilalaban pa si Nyquist muli.