Talagang masu­werte ang mga nananalo sa winner-take-all sa karera! Kahit na konting puhunan, malaking ang dibidendo.

Kaya ito pa rin ang tinututukan ng bayang karerista lalo pa’t may carry-over na nakakabit. Maaga pa lang ay pinag-aaralan na ng lahat ang kanilang mga tatayaan at diskarteng katakut-takot na kapag dumating ang araw ng karera.

Nitong nakaraang araw ay nabalitaan natin ang pagtama ng masu­werteng 13 tiket sa P4.6-million carry-over sa ­MetroTurf na ang dibidendo ay higit P1-million bawat isa.

Alam n’yo ba kung magkano ang pinuhunan ng isa sa mga tumama dito? P64 lang!

Jeepney driver ito at sa MetroTurf office mismo sa Mandaluyong nito kinubra ang kanyang tinamaang P1-million. Kulang pa nga ng P2 ang naibigay niya sa teller nang tumaya siya dahil P62 lang laman ng kanyang bulsa kaya inabonohan pa ng P2 ng teller para maitaya. Kaya tiyak na malaki ang balato ng teller na nag-abono para maitaya ‘yung listahan nu’ng masuwerteng jeepney driver.

Nu’ng bago pa lang halos nagsisimula ang MetroTurf ay isang ­suwerteng karerista ang tumama ng multi-million sa WTA na ang puhunan lang niya ay P96! Burado na ang kanyang record dahil dito sa tumama na P64 lang ang pinuhunan.