Swab Test on Wheels umarangkada sa Pasay

Nagsimula nang umarangkada nitong Huwebes ang Swab Test on Wheels na susuri sa mga senior citizen at person with disability (PWD) na hindi makaalis sa kanilang tirahan sa Pasay City.

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, prayoridad na masuri ang mga matatanda at may mga kapansanan bagama’t tiniyak niyang kabilang sa maseserbisyuhan ang mga naninirahan sa mga lugar o barangay na malayo sa apat nilang mga health center sa Cuyegkeng, Malibay, Doña Nena at Doña Martha.

Nagsimulang mag-ikot nitong Huwebes ang Swab Test on Wheels sa Malibay area at ang bahagi ng Leveriza sa kanto ng Sen. Gil Puyat Avenue (dating Buendia) upang magsagawa ng swab test sa mga senior citizen at PWD.

Tiniyak naman ng alkalde na isasailalim sa disinfection at sanitation ang kanilang mga Swab Test on Wheels, pati na ang mga medical technologist kahit na may suot silang personal protective equipment (PPE) upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Ang mga sample ng swab test na kanilang makukuha ay dadalhin sa Philippine Red Cross upang doon suriin, batay na rin sa Laboratory Testing Agreement nito sa lokal na pamahalaan ng Pasay City.

Inaasahang malalaman ng Pasay City Health Office ang resulta ng swab test sa loob ng dalawang araw. (Edison Reyes)