SWAT member sugatan, tulak dedo sa drug ops

Nasawi ang isang la­laking target, habang sugatan ang isang miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) nang manlaban ang una sa police operation na isinagawa ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD), kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Kinilala ni SPO3 Milbert Balinggan, imbestigador ng MPD-Homicide Section ang suspek na si Jeffrey Agustin, alyas Jepoy, 36 at residente ng 1271 Tayuman Street, Tondo.

Ginagamot naman sa Jose Reyes Memorial Me­dical Center (JRMMC) si PO3 ­Junie Acuna, miyembro ng SWAT na magtamo ng tama ng bala sa katawan.

Nabatid na nakatanggap ng tawag sa isang concerned citizen ang 911 na ipinasa sa MPD-Police Station 7, ­dakong alas-5:08 ng hapon ka­ugnay sa ­ginagawang pag­bebenta ng shabu ng isang Jepoy sa may ­Riverside, Tayuman at armado ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Sanhi nito, kaagad na nagkasa ng operasyon ang MPD-PS 7, pero pagdating sa lugar, sinalubong sila ng mga putok ng baril ng suspek hanggang sa makatakas.

Nagsagawa ng pagha­lughog ang pulisya at nang dumating ang mga miyembro ng SWAT dakong alas-otso ng gabi, nalaman nila na nagtatago ang suspek sa isang bahay sa 1936 Almeda St., Tondo, Maynila kaya sina­lakay ang bahay, pero muli silang sinalubong ng mga bala ng suspek dahilan para tamaan si Acuna.

Bunga nito nakipagbarilan na ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.

Nabatid na bukod sa pagkakasangkot sa akti­bidad ng iligal na droga, si Agustin din ang itinuturong suspek sa pagpatay sa isang Meaynard Duallo noong Hulyo 19, 2016, sa Riverside sa ­Tayuman, Tondo.