Umaasa si Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano na magiging mabilis at mahusay ang isasagawang rehabilitasyon para maibangon ang Marawi City mula sa pagkawasak nito sa giyera laban sa mga terorista.

“Swift and reliable,” giit ng kongresista sa pagpapatupad ng rehabilitasyon.

“We do not want to add more sufferings to the people of Marawi,” dagdag ni Alejano kasunod ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng ‘liberation’ ng Marawi kahapon.

Nanawagan din ang mambabatas sa lahat ng mga nasa gobyerno at civil society na magtulung-tulong para sa kapakanan ng mga kapatid na Maranao.

Bukod aniya sa rehabilitasyon ng lungsod, maka­bubuti rin kung matukoy ng gobyerno at maunawaan ang ugat ng krisis sa Marawi.

Ipinahayag naman ni Marawi City Mayor Majul Gandamra na hindi magiging sapat ang tatlong taon para sa rehabi­litasyon ng lungsod dahil lubhang malaki ang na­ging pinsala nito.

“Lubhang malaki ang naging pinsala ng gulo sa pagitan ng mga sundalo at Maute-ISIS group kaya mahihirapan na maibalik agad ang dating Marawi,” sabi ni Gandamra.

Samantala, isinulong ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Party-list Rep. Jericho Nograles ang pagbuo ng isang non-partisan at non-sectarian na reconstruction commission na magdidisenyo at mamumuno sa pagbangon ng Marawi.

“I think we should learn from our Yolanda experience,” ani Nograles na ang tinutukoy ay ang rehabilitasyon ng Tacloban City matapos hagupitin ng bagyong Yolanda kung saan nagkaroon ng mga problema.