Tepok ang isang gym at swimming instructor matapos malunod sa isang beach resort sa Barangay Lugo, Bauang, La Union kamakalawa.

Kinilala ang biktima na si Joseph Gawidan, 24, gym at swimming instructor, ng Brgy. Pico, La Trinidad, Benguet.

Ayon kay Bauang Municipal Police Station investigator PMSg Christopher Nuesca, nag-family outing ang biktima kasama ang ilang kamag-anak sa isang beach resort sa Brgy. Lugo sa nasabing lalawigan.

Sa kanilang kasiyahan, pumunta sa dagat ang biktima upang maligo at sinasabing walang nakapansin sa kanya (biktima) na kamag-anak.

Pinaniniwalaang nasa impluwensiya ng alak si Gawidan kaya hindi niya nakayang lumangoy pa papuntang pampang noong tinangay siya ng malakas na water current sa malalim na parte ng dagat.

Ilang oras din ang tinagal sa paghahanap sa biktima. Nakita din ito sa tulong na rin ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) at Philippine Coast Guard (PCG) ng La Union. (Allan Bergonia)