By Dolly Cabreza/Juliet de Loza-Cudia
Maaari nang mag-swimming ang publiko sa Manila Bay sa Disyembre.
Ito ang inihayag ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu matapos ang ginawang inspeksiyon sa kahabaan ng Manila Bay nitong Sabado kasama si Mayor Isko Moreno.
Ikinatuwa ni Cimatu ang kawalan ng mga naglutangan na basura na dati ay sumasabit pa sa mga water lily sa Manila Bay.
Maganda na rin aniya ang kondisyon ng tubig at malaki na ang ibinaba ng bakteryang fecal coliform.
Nabatid na pagsapit ng Disyembre ay may bahagi na ng Manila Bay na ligtas paliguan.
Nalaman na kasama sa ininspeksyon ng DENR ang Estero de San Antonio sa Leveriza, Malate kung saan may 50 pamilya na ang dinala sa relocation site sa Tala, Caloocan City habang may 20 pamilya pang natitira ang nakatakdang ilikas.
Natuklasan din sa ginawang inspeksyon ng mga opisyal ng DENR na sinakop na ng mga nagtataasang condominium at iba pang establisimiyento ang mga estero sa Maynila at nilampasan na rin ang tatlong metro na dapat ay layo nila sa mga waterway.
Tiniyak naman ni Moreno na sa sandaling matanggap na niya ang cease and desist order ng DENR sa mga pasaway na establisimiyento ay kanya itong ipatutupad.