Hindi na natapos ng 42-anyos na babae na kasintahan umano ng isang tulak ng illegal drugs, ang kinakakanta nang bigla na lang itong barilin ng riding-in-tandem habang nagbi-videoke at nakikipag-inuman kasama ang kapatid sa harap ng isang sari-sari store, kamakalawa ng hapon sa may Port Area, Maynila.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Richard Escarlan, ng Manila Police District (MPD)-homicide section, namatay noon din ang biktimang si Nora Lintag, dalaga, vendor, at residente ng Block 6, Baseco Compound, Port Area, Manila dahil sa tama ng bala sa ulo.
Habang inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek na nakasuot ng bull cap na kulay dark gray at mabilis na tumakas lulan ng isang kulay asul at itim na motorsiklo na hindi naplakahan.
Nabatid na dakong alas-5:20 ng hapon nang maganap ang krimen sa harapan ng sari-sari store sa Block 9 sa Baseco Compound, Port Area, sa nasabing lungsod.
Ayon kay Joseline Boso, 37, kapatid ng biktima, at residente ng Block 6, Lot 11, sa nasabi ring compound, nag-iinuman silang magkapatid at nagbi-videoke nang bigla siyang makarinig ng putok ng baril na mula sa likuran.
Nagulat na lang umano siya nang duguang bumagsak ang kapatid na noon ay kumakanta sa videoke.
Aminado si Boso na bago ang krimen ay matagal nang nakakatanggap ng mga death threat ang kapatid na hindi naman nito pinapansin.
Base sa nakuhang impormasyon, possible umanong may kinalaman sa iligal na droga ang pagpatay dahil napapabalitang ang biktima ay may kasintahan umanong drug pusher, ngunit kinukumpirma pa ito ng awtoridad.