Syrian dinampot sa pekeng passport

Inaresto ng immigration officers ang isang Syrian national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa tangan nitong pekeng Kiribati passport.

Ayon kay Bureau of Immigration (BI) port operations chief Grifton Medina ang 19-year-old na si Al Naasan Ibrahim ay hinarang sa NAIA terminal 1 nang dumating ito sakay ng Malaysian Airline mula Kuala Lumpur, Malaysia.

Sinabi ni Medina na iprenisinta ni Ibrahim ang Kiribati passport kung saan naghinala ang immigration officer kaya’t idinaan ito sa pangala­wang pagsusuri sa kanyang travel document.

Nabatid na ipinagtapat ng dayuhan na ang pangalang Ibrahim na nakasaad sa kanyang pasaporte ay ‘di umano nito tunay na pangalan at nasyonalidad habang ang kanyang tunay na passport ay nakatago sa kanyang bagahe.

Dagdag pa ni Medina na binalak din ni Ibrahim na gamitin ang Kiribati passport nito sa pagpunta sa Sweden kung saan siya mag-aaral.