Inulan ng batikos at reklamo mula sa social media at maging sa mga mag-aaral at mga guro ang isang fun run sa Biñan City, Laguna makaraang lagyan ng mga pangalan ng politiko ang ginamit na t-shirt para sa nasabing event.
Isinagawa ang fun run noong Sabado na pinangasiwaan ng Federated Parents-Teachers Assn. (FPTA) ng Biñan City para umano makakalap ng pondo para sa eskuwelahan ng lungsod.
Subalit nadismaya ang mga lumahok nang ibigay sa kanila ang t-shirt na binayaran ng P200 ngunit may mga pangalan ng iba’t ibang opisyal at kandidato ng lungsod.
Mula sa kandidato sa pagka-congressman hanggang sa mga konsehal ng lungsod, nakatatak sa likod ng t-shirt.
Maging ang mga guro ay nagkaroon ng problema dahil ipinagbabawal ng Department of Education (DepEd) ang pagsusuot nila ng mga damit na may mga pangalan ng kandidato.
Hiningan ng paliwanag ng mga participant ang organizer ng event dahil sa umano’y pinagkakitaan nito ang nasa 1,000 mag-aaral, guro at mga magulang na lumahok sa event.