Taal nagpaulan ng putik, abo

Matapos masorpresa sa biglaang pag-aalburuto ng bulkang Taal, lumilikas na rin ang mga residente sa mga barangay na nasa gilid ng Taal Lake sa mga bayan ng Laurel at Agoncillo, ang dalawa sa pinakamalapit na ba­yan sa crater ng bulkan.

Bandang alas-6:00 nang gabi ay halos nag-aagawan na ang mga resi­dente upang makasakay sa kung anumang available na sasakyan papalabas ng lugar.
Inutos na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang evacuation o paglilikas sa mga lugar na malapit sa bulkan.

“Duterte has already given instruction to undertake measures necessary to place the people within the perimeter of Taal out of the danger zone,” sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Pinayuhan din nito ang taumbayan na ma­ging vigilant at maging handa sa anumang kagapanan sa posibleng pagpuputok ng Taal.

Ang bayan ng Agoncillo at Laurel ay nasa kanluran ng bulkan at may layo lamang 5 hanggang 8 kilometro partikular ang mga barangay ng Barigon at Buso-buso, Agoncillo, at Barangay Berinayan sa Laurel.

Nagkaroon na rin ng kalituhan sa mga residente kung saan pupunta ang mga nagsisilikas matapos na ang mga evacuation center sa naturang lugar ay maapektuhan na rin ng ashfall ng bulkan.

Marami sa mga residente ay naglalakad na lamang papalayo sa lugar.
Ayon sa mga residente, hindi umano nagkaroon ng maagang babala hinggil sa magiging epekto ng pagsabog sa kanilang lugar.

Ayon naman sa Phi­lippine Institute of Volcanology and Seismo­logy (Phivolcs), naging mabilis ang pagpapalit ng alert level ng bulkan dahil sa biglaan din at mabilis na pagbabago ng status nito.

Nagpalaki ng pagkatakot sa mga residente ang patuloy na pag-ulan ng abo at putik na pinalala ng kasabay na pagbuhos ng ulan.

Ganoon din ang mala­lakas na kulog at mata­talim na kidlat na nagmumula naman sa tapat ng crater na sinasabayan din ng mga paglindol.

Ayon naman sa LGU ng Agoncillo, ang ibang mga residente sa iba pang apektadong barangay ay nailikas naman sa co­vered court sa Poblacion na nasa 11 kilometro ang layo mula sa Volcano Island.

Gayunpaman, naghahanda pa rin ang mga local government kung sakaling maging ang kabayanan ng Agoncillo ay maapektuhan pa rin ng pagsabog ng bulkan

Taal nagpaulan ng abo, buhangin
Umaabot na sa ilang bahagi ng Laguna, Cavite ang mga abo at maliliit na bato na ibinubuga ng Bulkang Taal sa Batangas Linggo nang hapon.
Inulan ng maliliit na bato, buhangin at abo ang mga lugar ng Tagaytay City, General Trias, Carmona, GMA, Silang at ilan pang kalapit na lugar sa lalawigan ng Cavite.

Ilang bahagi rin ng Metro Manila ang hindi nakaligtas sa ashfall na umabot hanggang Las Piñas, Parañaque, Alabang, San Juan, Pasig, Antipolo at iba pang lugar sa Rizal gaya ng Binangonan, Cainta at Antipolo.

Maging ang northern portion ng Laguna, sa mga lungsod ng San Ped­ro hanggang Calamba ay nagbagsakan na rin ng mga abo at buhangin na ibinubuga ng bulkan.
Maging ang hangin sa mga malalapit na lugar sa Taal Volcano ay amoy asupre at pulbura na rin.

Pinayuhan na rin ng mga awtoridad ang mga apektadong residente na magsuot ng mga face mask at huwag na ring lumabas ng kani-kanilang mga bahay upang maiwasan ang makalangahap ng usok at abo.

Dakong alas-5:00 nang hapon ay tuluyan nang nabalot ng makapal na usok ang buong isla ng bulkan habang makikita rin ang pagguhit ng kidlat mula sa makapal na usok na inilalabas nito.

Umaabot na rin at tanaw na sa may bahagi ng lalawigan ng Quezon ang usok na nagmumula sa pagsabog.