Lalong pinagdudahan ng isang grupo ng mga mambabatas sa Kamara ang sabay-sabay na maintenance shutdown ng mga planta ng kuryente noong nakaraang linggo dahil naging sanhi ito para umabot sa P20 ang presyo ng kuryente kada kilowatt hour sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, mas lalong dapat imbestigahan ang naganap na shutdown ng pitong planta ng kuryente noong nakaraang linggo na naging dahilan kaya inilagay ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa yellow alert ang supply ng kuryente sa Metro Manila.
“For the interest of the consuming public, the Energy Regulatory Commission (ERC) should pro-actively look into this anomaly to prevent yet another market play by these power plant owners,” ani Zarate.
Plano rin ng mambabatas na imbestigahan ito sa Kamara dahil kaduda-duda umano ang nangyayari dahil ang taumbayan ang magdurusa sa pagtaas ng kuryente na posibleng maramdaman ng mga consumers sa Setyembre.
Ayon kay Zarate, kung regular ang supply ng kuryente, umaabot lamang aniya ng P3 hanggang P4 ang presyo ng bawat kilowatt hour sa WESM.
“It’s like a déjà vu of November 2013, when the same now familiar simultaneous emergency and maintenance shutdowns of several power plants triggered a sharp historic increase in the prices of electricity,” ani Zarate.