By Armida Rico

Nagbabadyang tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo ganu’n din ng liquefied petroleum gas (LPG) sa pagsalubong ng mga manggagawang Pilipino sa Labor Day sa Mayo 1.

Batay sa impormasyon mula sa mga oil industry source, nasa 50 sentimo hanggang P1.00 ang posibleng itaas sa kada 11 kilong tangke ng LPG.

Hindi naman naglabas ng anunsyo kung may pagtaas din sa presyo ng Auto-LPG na ginagamit ng mga taxi.

Inaasahan ipapatupad ang taas presyo sa LPG sa Mayo 1.

Samantala, may nakaamba ring pagtaas sa presyo ng iba pang produktong petrolyo sa susunod na linggo rin.

Sa abiso ng Jetti, batay umano sa resulta ng trading mula noong Lunes ay tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa pagtaya ng nasabing kompanya, posibleng tumaas ng 75 hanggang 85 sentimo ang presyo ng diesel habang maglalaro naman sa 70 hanggang 80 sentimo kada litro ang itataas ng gasolina.

Wala namang anunsyo kung magtataas din ang presyo ng kerosene.
Ayon sa Jetti, ang nakaambang taas presyo sa mga produktong petrolyo ay dahilan sa paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang pamilihan.