Magtataas na ng singil sa kontribusyon sa mga mga miyembro ng PhilHealth epektibo sa susunod na buwan.
Mula sa kasalukuyang 2.75% o P275 kada buwan kung saan ay tig-P137.50 ang employer at employee ay magiging tatlong porsiyento na sa Enero 2020.
Malaki-laking halaga rin ito dahil mula P300 hanggang P500 kada buwan ang makakaltas sa mga miyembro at ng PhilHealth.
Kaya naman labis ang ating pagkabahala sa inilabas na regulasyong ito.
Alam nating may kinalaman ang pagtataas na ito sa implementasyon ng Universal Health Law kung saan ay sinasabing libre na ang pagpapagamot sa mga ospital.
Kanya nga lamang natatakot tayo baka magamit lang sa hindi tama ang dagdag singil sa kontribusyon sa mga miyembro ng PhilHealth sa luho ng mga opisyal nito.
Hindi naman lingid sa ating kaalaman na sa mga nakaraang panahon ay nakaladkad ng maraming beses ang PhilHealth dahil sa sobra-sobrang bonus na inilaan sa mga opisyal nito.
Mayroon pang ginamit sa biyahe at sa iba pang luho ng mga PhilHealth official.
Sa katunayan umabot pa ito sa pagpapasoli sa kanila at may ilan ang nakasuhan.
Sana lang ay magamit naman sa tama ang dagdag na kontribusyon dahil sa totoo lang ay malaking tulong ang maidudulot nito sa bawat empleyado kaya hindi dapat ito mapunta sa kung kani-kanino.
***
Tungkol pa rin sa pagtataas, sana naman ay kumilos na ang LTFRB sa sobra-sobrang paniningil ng Grab.
Masyado nang naho-hostage ang mga rider sa abot-langit na rate na ipinatutupad.
Sa pagpapamulta sa Grab ang mga rider at driver lang naman ang nasasaktan.
Kaya please naman pansinin niyo ang problemang ito dahil ito ang madalas na usap-usapan sa social media.