Higit sa isang daang tobacco farmers sa Ilocos Norte ang nakatanggap ng financial assistance mula sa National Tobacco Administration (NTA) nitong Agosto 15 matapos ang pagkasira ng kanilang tabako dulot ng super typhoon ‘Lawin’ noong Oktubre 2016.
Personal na ipinamahagi ng mga opisyal ng NTA, kasama si Ilocos Norte Governor Imee R. Marcos ang tseke na nagkakahalaga ng P3.7 milyon sa 187 tobacco farmers, ang first batch ng beneficiaries. Bawat isa ay nakatanggap ng mula P20,000 hanggang P50,000.
May nabigyan ng P10,000 bilang subsidy habang ang iba ay pautang na babayaran sa loob ng 2 hanggang 3 taon.
Mayroon pang 350 hanggang 400 magsasaka ang susunod na bibigyan bago matapos ang taong 2017. Kailangan lang nilang makumpleto ang mga requirements para makakuha ng parehong ayuda.
Sa naturang seremonya ay nagsalita si Imee at hinikayat ang mga magsasaka na patuloy na magtanim. “Ang sabi nila, palugi na ang negosyo sa tobacco, pero sa tingin ko dapat magtanim pa rin kasi kitang-kita na nag-aangkat tayo ng tobacco galing China o Vietnam.”
Pinuri din ng gobernadora ang NTA sa kanilang inisyatiba na magsagawa ng seminar upang matalakay ang benepisyo ng tobacco farmers at ang serbisyo na maaari nilang kunin sa NTA.
“Inaasahan kong tuloy-tuloy ang pagtulong dahil ang sabi nga ‘wag daw mahiya at humingi kung may kailangan,” wika pa ni Imee. Nakakapanghinayang naman na pati na ang produksyon ng tabako ay humihina dahil sa kompetisyon mula sa China.
Sana’y magtagumpay ang mga inisyatiba ng NTA at ni Imee para manumbalik ang sigla ng mga magsasaka sa pagtatanim ng tabako.
***
Mukhang si Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang government official na tinutumbok ni Pangulong Duterte na bongga kung gumastos sa biyahe sa abroad. Agad namang pumiyok ang Chief Justice nitong Huwebes at sinabing hindi siya iyon. “I have lived a life of modesty. I have been prudent in the use of court expenses,” diin ni Sereno.
Hindi naman sa ipinagtatanggol natin ang Chief Justice, pero sa tingin ko ay dapat sigurong manalamin muna ang Pangulo at lumingon sa kanyang bakuran bago mag-akusa sa umano’y government official na nagbubuhay hari o reyna sa biyahe sa abroad.
Hindi ba’t napakalaki ng ginastos ng gobyerno sa official visit ni Pangulong Duterte sa Russia noong Mayo? Huwag na nating pag-usapan ang mga miyembro ng kanyang pamilya na sumama sa biyahe, pero yung mga kasama niyang opisyal, aba’y binitbit pati ang kanilang asawa. Yung isang pulitiko nga na sobrang sumamba sa administrasyon, doon pa nagkita ang kanyang ex-wife at ang kasalukuyang partner.
Umangkas din sa trip sa Russia ang iba pang personahe na tagapagtanggol ng administrasyon. Aba’y wala namang ginawa kundi maglakwatsa at suyurin ang mga tourist spot ng nasabing bansa. Taxpayer ang gumastos sa kanilang lakwatsa.
Ngayon, nag-iingay si Pangulong Duterte hinggil sa government official na may extravagant trip sa abroad. Paging Boy Abunda, ipahiram mo nga sa Pangulo ang mahiwagang salamin sa iyong studio please!