Tabal ‘di sumuko sa Rio

May yugto na gusto na ni Mary Joy Tabal na tumigil sa pagtakbo, pero hindi bumigay ang Filipina at pinilit tapusin ang makabali-tuhod na women’s­ marathon sa Rio Olympics Linggo sa Brazil.

Kahit ang nakakapasong init ng araw at singaw ng kalsada, hindi napasuko ang 27-anyos na Pinay, tinapos pa rin ang hagaran kahit alam niyang wala nang pag-asa sa medalya.

Gusto lang ni Tabal na higitan ang personal best niya (2 hours, 43 minutes, 31 seconds), pero kinapos din. Naglista­ siya sa Rio ng tiyempong 3:02:27, 38:23 sa likod ni gold medalist Jemima Jelagat Sumgong ng Kenya. Silver si Eunice Jepkirul Kirwa (2:24:13), itinakbo ni Mare Dibaba ng Ethiopia ang bronze.

Dumating si Tabal sa finish line sa 124th mula sa 157 na tumugon sa starting gun.

Sa last 10 kilometers, nakita ni Tabal na tumukod at sumuko na ang ibang runners. Pero hindi siya sumurender.

“‘Yung iba talaga, tumutumba na sa daan. Masyadong mainit kanina. Minsan gusto ko na ding tumigil pero pinilit ko tapusin ang karera,” anang Filipina marathon queen.

Ang ibang nakatapos, humihiga na sa kalsada pagtawid sa finish.

Tapos na ang interviews sa top finishers nang tumawid sa meta si Tabal, halos mag-collapse na sa pagod. Ina­lalayan siya ng medical staff.

“Sabi ko sa sarili ko, hindi ako papayag na DNF (did not finish) ang Pilipinas. Kaya slowly but surely, tinapos ko,” dagdag ni Tabal.