KUALA LUMPUR — Base sa patakaran ng Philippine Sports Commission, pauwi na dapat kahapon si Mary Joy Tabal makaraang mapanalunan ang gold medal sa women’s marathon ng 29th Southeast Asian Games 2017 sa katabing lungsod dito na Putrajaya.

Gayundin ang nagka-cramps at hindi nakatapos sa men’s division na si Jeson Agravante.

Pero nakiusap si Tabal kay Philippine Athletics Track and Field Association president Philip Ella Juico na maging cheerleader muna ng team at makipag-bonding din sa kanyang Manila-based teammates na mga lalaban pa simula bukas tapos mag-break ng athletics kahapon.

Kaya nag-pa-book si PATAFA marketing manager Edward Kho sa airline na gawing Huwebes na lang ang balik-Pilipinas (sa Cebu) ng 28-year-old, 4-foot-11 na si Tabal.

Winakasan ng Cebuana ang anim na taong tagtuyot sa gold sa event tapos huling manguna ni Jho-An Banayag noong 2009 Laos SEA Games.

Ang PATAFA na at hindi ang PSC ang sasagot sa board and lodging ni Tabal, pati na rin si Agravante.

“It’s good that she agreed to stay here. At least she can get to cheer her teammates and spend some quality time with them,” komento ni Juico, target higitan ang five gold-medal ng athletics mula sa 2015 Singapore SEAG.