Nanawa na si Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) president Philip Ella Juico sa pagbibigay ng pagkakataon kay Olympian Mary Joy Tabal na makasama sa national team.

Kahit anong mangyari, hindi makakasali ang 27-year-old marathoner sa ­national team na sasabak sa Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur sa Agosto.

“Tigil na, this has been going on for too long,” ani Juico kahapon sa press conference sa Philippine Olympic Committee board room. “Kahit wala siya (Tabal) ready na lumaban itong mga nandito.”

Ayon kay Juico hindi sumusunod sa mga patakaran si Tabal. Isa lang ito sa mga dahilan ng pagkaalis niya sa national team.

“Follow rules and regulations, ­ganu’n lang ka-simple,” wika ni ­Juico. “Ang isa pa sa ikinatatakot ko kaya ayaw na rin namin sa kanya ay baka mahawa pa ang iba sa kanya.”