Tabloid ng Palasyo, libre at ‘di pampapogi lang

Klinaro ni Presidential Communications Ope­rations Office (PCOO) Secretary Martin Anda­nar na walang gastos ang paglilimbag ng inilunsad na sariling pahayagan ng Palasyo ng Malakanyang o ang “Masa Kasangga sa Pagbabago” tabloid.

“It’s corporate social responsibility of our prin­ting presses. Meaning libre ang printing,” sabi ni Andanar nang hingan ng komento kahapon matapos umani ng puna sa social media ang paglulun­sad ng sariling tabloid ng Palasyo na isinabay sa launching ng 50 First days documentary sa Ateneo de Davao kahapon.

Sari-saring komento sa social media ang inabot ng inilunsad na tabloid dahil hirit ng iba ay mas maraming bagay na dapat pagkagastusan ang pamahalaan at mistulang magiging propaganda tool lamang din ito ng Duterte administration.

Kaya tugon naman ni Andanar patungkol dito, “everyone’s entitled to her/his own opinion. We spend for radio, we spend for online. PCO has two printing presses, so why not print?”

Sa katunayan aniya ay kasama ito sa mga polisiya na inanunsyo noong buwan pa ng Hunyo.

Binanggit din ni Andanar na bukod sa tabloid ay magkakaroon din ng version nito sa on-line.

Kinuwestyon din ng iba ang frontpage banner headline ng tabloid (Narco-politics winasak: Duterte wagi sa giyera kontra droga!) sapagkat hindi pa naman natatapos ang laban sa bawal na gamot.

“The 600K drug dependent and drug pu­shers who presented themselves is a sign of victory,” ani Andanar.

Ang Masa Kasangga sa Pagbabago ay walong pahinang tabloid na ilalabas ng PCOO dalawang beses kada buwan.