Tabuse ibabangon ang Japan-Akatsuki Five

Nagpapalakas ang Japan para sa second window ng FIBA World Cup 2019 Asian Qualifiers.

Wala pang panalo sa dalawang laro, hahabulin ng Akatsuki Five ang mailap na ‘W’ laban sa Chinese Taipei sa Yokohama International Arena sa Feb. 22, bago tatangkaing resbakan ang Gilas Pilipinas sa MOA Arena sa Feb. 25.

Tinalo ng Filipinos ang Japanese 77-71 sa Tokyo noong Nov. 24.

Sa ulat ng FIBA, tinapik ni Japan national coach Julio Lamas si dating NBA player Yuta Tabuse para idagdag sa pool na gagamitin sa second window.

Nakalistang 5-foot-8, 38 na si Tabuse ngayong taon at magiging pinaka-eksperiyensadong player sa pool ng Japan kasama si naturalized player Ira Brown, 35.

Maliban kay veteran big man Kosuke Takeuchi na ipapahinga muna, balik sa second window ang players ni Lamas na ginamit sa first.

Pangungunahan muli nina Brown, Makoto Hiejima at Yudai Baba ang kampanya ng Akatsuki Five. Balik din sina backcourt stalwarts Yuki Togashi, Ryusei Shinoyama at Takatoshi Furukawa, gayundin sina frontliners Joji Takeuchi, Atsuya Ota at Tenketsu Harimoto.

Isinaksak din ni Lamas sa pool si 6-foot-9 forward Hyu Watanabe (kilala rin bilang Hugh Hogland) ng University of Portland, at mga batang guards na sina Yudai Nishida, 19, at Chikara Tanaka, 16. (Vladi Eduarte)