Napanaginipan ang lumang kotse

Napanaginipan ko ang luma at kauna-una­han kong kotse. Ilang taon nang wala ang kotseng iyon sa buhay ko pero espesyal siya sa akin dahil siya ang gamit ko noong una akong matutong magmaneho. Sa pana­ginip ko, hindi ko naman siya minaneho basta ang natatandaan ko ay nasa harap ko siya at masaya daw ako na nakita ko siya.

Napanaginipan ang ibang lalaki

Napanaginipan kong nakikipag-sex ako pero sa hindi ko asawa. Paggising ko, parang nare-recall ko pa ang mukha ng lalaki pero hindi ko naman siya kilala or hindi ko pa siya nakita sa buong buhay ko. Ano po ibig ­sabihin ng panaginip ko?

Halik

Napanaginipan ko po ang boyfriend na nakikipaghalikan sa ibang babae. Hindi po niya akong nakita. Sobrang sama po ng loob ko pero hindi ko raw siya sinugod at napaiyak na lamang ako sa kinatatayuan ko. Paggising ko para tuloy akong nagduda na baka kinakaliwa nga ako ng boyfriend ko. Ano po ang ibig sabihin ng pa­naginip ko.

Namatay iniyakan ng magulang

Napanaginipan kong nasa ospital daw ako. Una ay nakita ko ang sarili ko na nakahiga sa hospital bed. Tapos ay nasa tabi ng bed ang mommy at daddy ko. Then buma­ngon daw ako tapos pagtingin ko nakita ko pa rin ang sarili ko na nahiga at ang mga magulang ko ay nag-iiyakan na. Ano po ang ibig sabihin ng ganitong panaginip?

Napaso ang kamay

Napanaginipan kong napaso raw ang aking kamay habang ako’y nasa harap ng lutuan. Napahawak daw ako sa mismong burner at napasigaw ako dahil napaso ang kamay ko. Wala naman akong nakitang apoy basta iyon lang burner ang hinawakan ko at doon ako napaso. Sa panaginip ko hawak-hawak ko ang kanan kong kamay at napapasigaw ako sa sakit. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Kaibigan sa isang makitid na pasilyo

Napanaginipan ko po ang isang kaibigan ko. Pero paggising ko hindi ko na maalala kung sino siya. Ang malinaw sa isip ko, nasa parang makipot pero mahabang corridor kami tapos magkaharap kami at hinahatak niya ako sa dalawang kamay ko. Nakatawa ang friend ko na parang nakikipagbiruan sa akin at paatras siya na nagla­lakad papuntang pinto habang hatak-hatak niya ako. Iyon lang po ang naalala ko sa panaginip ko.

Dating manliligaw

Napanaginipan ko ang isang dati kong manliligaw. Kasama raw niya ang a­king anak na maliit pa. Nakita ko rin na hinalikan niya sa noo ang anak ko. Hindi ko na matandaan ang ibang bahagi ng panaginip ko. Bakit ko po kaya napa­naginipan ko ang dati kong manliligaw?

Namatay ang pinsan

Napanaginipan ko po ang pinsan ko na meron po kaming ka-chat at nakipag-meet siya rito. Tapos hanggang bigla ko na lang siyang hindi nakita or hindi na nagpa­ramdam. Hindi ko rin makontak ‘yung phone. At hanggang sa natagpuan na lang ‘yung katawan niya sa ilog. At patay na. Hindi daw ako makapaniwala sa nangyari at natakot akong sabihin ‘yung nangyari na patay na siya. Hoping na maliwanagan po ako.

Mensahe ng namatay sa kaibigan

Napanaginipan ko ang best friend ko na may ilang taon nang namatay. Sa pa­naginip ko, nakita ko siyang nakatayo sa labas ng isang magandang bahay, parang palasyo ang bahay. Masayang-masaya ako at napasigaw ako nang makita ko ang kaibigan ko. Sa panaginip ko, hindi ko alam na patay na siya. Nagkuwentuhan pa kami at sinabi niyang masaya siya at mababait ang kanyang mga kasama. Hindi niya ako pinapasok sa bahay niya dahil saka na lamang daw ‘pag nagkita ulit kami. Paggi­sing ko saka ko na-realize na patay na nga pala siya. Pero ramdam kong ang saya-saya ko.