Patuloy na makakaranas ng malamig na panahon ang Tagaytay City na halos kasinlamig na ng sa Baguio dahil sa umiiral na northeast monsoon o hanging amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Ayon sa weather bureau, nakapagtala ng 20 degrees Celsius ang Tagaytay kahapon at dahil sa magtatagal pa ang hanging amihan ay asahan umano ang mas malamig na panahon sa nasabing lugar hanggang sa susunod na mga linggo.

Ang buwan umano ng Pebrero ang peak ng hanging amihan kaya naman mas malamig na temperatura ang mararanasan sa Tagaytay.

Samantala, patuloy na mino-monitor ng Pagasa ang dalawang low pressure area (LPA). Sa ngayon umano ay wala pang epekto ang dalawang LPA sa bansa at ang nararanasang kalat-kalat na ulan ay hindi dala ng na-monitor na sama ng panahon.