Boyet Jadulco

Nakakaalarma ang pahayag ng pamahalaan na pumalo na sa P5B ang pinsalang idinulot ng El Niño sa agrikultura.

Higit sa 276,000 metriko tonelada ng bigas at mais na ang napinsala habang 177,743 ektarya at 164,672 magsasaka ang naapektuhan.

Kabilang sa mga apektadong rehiyon at probinsiya ay ang Abra, Apayao, Ifugao, Kalinga, Mt. Pro­vince sa Cordillera Administrative Region. Hagip din ang Ilocos Region at ang lalawigan ng Pangasinan, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Central Luzon at Bulacan.

Tinamaan din ang Batangas, Laguna, Rizal, Quezon at Occidental Mindoro. Apektado rin ang mga lalawigan sa Bicol Region, Eas­tern Visayas, Zamboanga Peninsula at iba pang rehiyon sa Mindanao.

Ayon sa Department of Agriculture Disaster Risk Reduction and Management (DRRM), ipinoproseso na ang mga dokumento para isailalim sa state of calamity ang mga apektadong lugar.

Sana naman ay tumpak ang tantiya ng gobyerno sa pinsalang dulot ng tagtuyot upang mailabas na ang pondo. Nakakatakot kasing nataon sa halalan ang paglalabas ng pondo.

***

Nakakatuwa naman ang tandem ng Anakalusugan Party-list at ni Doc Willie Ong. Marami na ang umeendorso sa kandidatura ni Ong pero hindi pa rin ito pasok sa Magic 12 ng pre-election survey.

Isa ako sa naniniwala na magiging dark horse si Ong, kumbaga ay siya ang napipisil nating ma­ging surprise winner sa senatorial elections sa Mayo 13.
Panahon nang magkaroon ng isang doktor sa Senado matapos ang pagpanaw ni dating Senador Juan Flavier.