Inaresto kagabi ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang negosyanteng si Mark Taguba makaraang magpalabas ang Manila Regional Trial Court ng warrant of arrest dahil sa kanyang kasong smuggling hinggil sa P6.4 bilyon na halaga ng shabu na nakalusot sa Bureau of Customs (BOC).

Nabatid kay Manny Parlade, director ng Office of the Sgt at Arms ng Senado, nagtungo sa Senado si Taguba matapos ilabas ng korte ang kanyang warrant of arrest.

Kasunod ito ay nakipag-ugnayan ang Senado sa NBI para maihain ang warrant of arrest kay Taguba.

Alas-6:21 ng gabi nang ihain kay Taguba sa Senado ang warrant of arrest at agad na dinala sa NBI headquarters.

Si Taguba ay nasa ilalim ng protective custody ng Senado dahil sa panganib sa kanyang buhay bunsod ng mga salaysay kaugnay sa tara system sa BOC.

Bukod kay Taguba, ipinag-utos din ng Manila Regional Trial Court,Branch 46,ang pag-aresto kina Manny Li, Kenneth Dong, EMT Trading owner Eirene Mae Tatad, customs broker Teejay Marcellana, Taiwanese nationals na si Chen i-min , Jhu Ming Jyun at Chen Rong Huan.

Hindi pinagkalooban ng piyansa ng korte ang mga ipinaaresto na kinasuhan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang nabanggit na drug shipment ay nasamsam ng pinagsanib na tauhan ng National Bureau of Investigation(NBI) at Bureau of Custom(BOC) sa Hongfei Warehouse sa Valenzuela City matapos na mailabas mula sa BoC noong Mayo 2017.

Isinampa ang kaso sa Valenzuela Regional Trial Court pero nadismis dahil sa kawalan ng hurisdiksyon, kaya’t muli itong inihain ng Department of Justice (DOJ) sa Manila RTC.

Naging testigo pa ng Senate blue ribbon committee si Taguba sa isinagawang imbestigasyon sa nasabing shipment ng shabu, kung saan nakaladkad ang pangalan ng anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si dating Davao City vice-mayor Paolo ‘Pulong’ Duterte at bayaw na si Mans Carpio.