Taguig bumida sa kampanya kontra polio, 97K nabakunahan

Wagi ang Taguig sa hanay ng mga local go­vernment unit sa National Capital Region (NCR) sa pagpapatupad ng ‘Sabayang Patak kontra Polio’ (SPV) campaign ng Department of Health (DOH).

Sa ika-11 araw ng 14-day program, nakakuha ang Taguig ng rating na 102 percent at nasungkit ang pinakamataas na puntos sa mga siyudad at munisipalidad sa NCR.

Umabot sa 96,866 na residente ang nabakunahan sa Taguig.

Ang resulta ay dumaan sa validation ng grupo mula sa DOH at World Health Organization, na nagsagawa ng Rapid Coverage Assessment.

Matapos ang pag-anunsyo ng polio outbreak sa bansa noong Sept. 19, ang City of Taguig ay agarang pinalakas ang kampanya kontra sa nasabing sakit sa pamamagitan ng pagsagawa ng pagbabakuna sa mga barangay health center at house-to-house visit.

Ang Taguig Health Office ay patuloy rin na nagbibigay ng mga libreng routine vaccine kasama ang Hepatitis B, BCG (Bacillus Calmette–Guérin), DPT (Diptheria, Tetanus Toxoids and Pertussis), Hib (Haemophilus Influenzae Type B ), Pentavalent vaccine o ang 5-in-1 vaccine at polio vaccine sa mga barangay health at super health center.