Isang retiradong Hukom ang nasawi makaraang atakihin sa puso habang nasa kalagitnaan ng pagdinig ng kanyang dinaluhang kaso sa Hall of Justice ng Taguig City kahapon nang hapon sa lungsod.

Naisugod pa sa Medi­cal Center of Taguig ang dating hukom na si retired Judge Atty. Amante Bandayrel, nasa hustong gulang subalit hindi na ito uma­bot nang buhay.

Base sa report ni Chief Inspector Ramon Laygo, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Taguig City Police, alas-dos ng hapon nang maganap ang insidente sa Taguig City Metropolitan Trial Court Branch 74 sa Hall of Justice.

Ayon kay Laygo, si dating judge Bandayrel ay tumatayong defense sa isang civil case.

Habang nasa kalagitnaan ng pagdinig, bigla na lamang itong natumba at inatake sa puso.

Agad naman itong isinugod sa nasabing pagamutan subalit hindi na ito umabot ng buhay matapos itong ideklarang dead-on-arrival ng mga sumu­ring doktor.

Sa ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente.