Taguig nakaiskor sa SC sa usapin ng Fort Bonifacio

Tagumpay para sa Taguig­ City kontra Makati City ang labanan kaugnay sa kontrol sa Fort Bonifacio.

Alinsunod ito sa 27- pahinang desisyon na inilabas ng Korte Suprema noong Hulyo 19, 2016 kung saan ay nakasaad na inabuso umano ng Makati City ang legal na pro­seso nang pagsabayin nito ang pagkuha ng remedyo sa mga hukuman sa pamamagitan ng pagsasampa ng Motion for Reconsi­deration at Petition for Annulment of Judgment.

Pinatawan ng kasong direct contempt ng Korte Suprema ang lokal na pamahalaan ng Makati hinggil sa forum shopping kaugnay ng agawan sa lupa sa Taguig City sa Fort Bonifacio kung saan parte ang Bonifacio Global City (BGC).

Sa desisyon na nilagdaan ni Associate Justice Marvic Leonen, sinabi ng Supreme Court na umabuso ang Makati City sa legal na proseso.

Nag-ugat ang kaso mula sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) ruling, na may petsang Hulyo 8, 2011, na pumapabor sa Taguig hinggil sa ang lupang ‘Fort Bonifacio Mili­tary Reservation’ ay baha­gi ng nasabing lungsod.

Ayon sa Korte Suprema, ang Makati, na naka­paghain na ng motion for reconsideration sa desis­yon ng RTC ay walang katwiran para magsampa ng kasabay na petition for annulment sa Court of Appeals. Sinasabi rin ng Korte Suprema na ang mga hakbanging ito ng Makati ay naglalagay sa alanganing sitwasyon kung saan magpapalabas ng salungat na desisyon ang dalawang hukuman sa isang usapin.

Ang desisyong ito ng Korte Suprema ay inilabas upang tuldukan ang pag-abuso sa ligal na proseso, kasabay nito ay hinatulan din nito ng “guilty” ang mga abogado ng Makati dahil sa direct contempt kasabay ng kautusan na pagbayarin sila ng kaukulang multa.