Nalambat ng pulisya ang 19 kilabot na tulak ng ilegal na droga sa ikinasang “One Time, Big Time” (OTBT) ng mga awtoridad kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Ayon kay Supt. Clarence Gomeyac, Deputy Chief of Police for Operation (DCOPO) ng Taguig City Police, ilan sa mga nahuli ay naaktuhang nagpa-pot session, habang ang iba pa ay inginuso ng mga kapitbahay.
Kabilang sa mga naunang dinala sa police headquarters ay sina Erwin Espiritu, 39; Roderick Amante, 36; Eric Lacanilao, alyas ‘Borex’, 48; Aryan Amistoso, 27 at Jerrald Santos, 22.
Ayon kay Gomeyac, si Lacanilao ay kilalang tulak ng droga sa Brgy. New Lower Bicutan.
Hindi naman itinanggi ni Lacanilao na pagtutulak lang ng droga ang kanyang pangkabuhayan. Gumagamit din daw siya paminsan-minsan.
Bukod sa mga drug suspect, may dalawa pang dinala sa police headquarters dahil sa paglalaro ng cara y cruz, habang 125 naman ang nalambat dahil sa paglabag sa mga ordinansa.