Pinalamutian ni Tim Cone at kanyang Ginebra ang pagpupugay sa yumaong idolo na si Virgilio ‘Baby’ Dalupan sa kinumpletong 101-87 win sa Rain or Shine kagabi sa PBA Governors Cup.
Todong sinapawan ni Justin Brownlee si Dior Lowhord sa kanilang import match-up sa tinagay na 31 points, 13 rebounds at 7 assists para bisigin ang Ginebra sa pagtayo sa 111-105 double overtime loss sa holder San Miguel Beer noong Linggo.
May 10 points at eight rebounds ang Elasto Painters reinforcement.
Sa balanseng atake ng Gin Kings, umayuda sina Sol Mercado ng 19 points off the bench, LA Tenorio na may 15 at Japeth Aguilar na naka-14. Dinikta ng crowd darlings ang game tampok ang 18-point lead sa final 42.1 seconds mula sa nakumpletong three-point play ni Aguilar.
Sa 5-2 baraha, inakbayan ng Gin Kings sa second spot ang Mahindra na hindi pinaporma ang Blackwater, 97-88, sa unang laro. Sa unang pagkakataon ay kumakaway na ang playoffs sa Enforcer, bagay na hindi pa narating ng prangkisa sapul nang pumasok sa pro league noong 2014.
Bago ang jumpball sa Smart Araneta Coliseum na naging battleground ni coach Baby sa pagkolekta ng kampeonato sa career, pinangunahan ni PBA commissioner Chito Salud ang parangal sa Maestro na yumao sa edad 92 dahil sa pulmonya noong Miyerkules. Si Dalupan ang itinuturing ng marami na greatest Philippine basketball coach.
Tinapos ang saludo kay coach Baby sa ‘final buzzer’ kasama ang buong teams ng Ginebra at RoS, pamilya Dalupan at ilang players na dumaan sa kanya.
Nag-alay ng tribute speech sina Narvasa na naging player ni Dalupan sa Ateneo Blue Eagles sa 1974-76 UAAP season, Allan Caidic sa Presto (1987-89), Alvin Patrimonio sa Purefoods (1989-1991) at Atoy Co sa Crispa (1975-82).
“I’m honored we did this (win) on a night we honored Coach Baby. It was a tough one. Nothing comes easy with Rain or Shine,” bigkas ni Cone, yumukod kay Dalupan sa Finals nang nasa Alaska pa noong dekada 90.
“We focus our offense and we did well on defense,” dagdag pa ni Cone, bumasag sa dating sukatan na 15 titles ni Dalupan.
Sinamahan ng Elasto Painters sa seventh ang idle NLEX sa 3-3 samantalang nabaon pa lalo sa pansitan ang Elite sa 1-6.