Tagumpay ng ASEAN summit bunga ng lubos na paghahanda

Thumbs up ang karamihan sa matagumpay na pagho-host ng Pilipinas sa 2017 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Hindi lamang sa pagho-host hinangaan ang ating bansa kundi maging sa ipinamalas na magandang rapport ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 10 ASEAN Leaders na malaking factor kaya naging produktibo at maayos ang pag-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit.

Isa sa hayagang nagpamalas ng pagsaludo sa maayos na pa­ngangasiwa ng ASEAN ng gobyerno ay si 1-Edukasyon Rep. Salvador Belaro na nagsabing bunga ng lubos na paghahanda na ginawa ni Pangulong Duterte na bumiyahe pa sa mga rehiyon sa Asya para personal na mabisita at magpakilala sa mga lider kaya naman nang sila na ang bumisita sa bansa para dumalo sa summit ay maayos na ang kanilang naging relasyon na nagbigay daan para maging matagumpay ang summit.

Malaking bagay ang ipinairal na ‘non-interference policy’ ng ASEAN leaders sa internal affairs ng ASEAN member states kaya hindi sumentro ang summit sa mga kontrobersiya gaya ng pagta­lakay sa West Philippine Sea at sa war on drugs ng administrasyon gayundin sa mass murder and crimes against humanity na isinampa sa international criminal court laban kay Pangulong Duterte.

Dahil sa pagsantabi sa mga political issues ay nabigyang-pansin ang mas importanteng mga usapin gaya ng target na gawin ang ASEAN bilang 8th biggest economy na may 600M consu­mers at $3T commerce at pagsusulong ng mga proyektong magpapalakas pa sa ASEAN members gaya ng Ro-Ro trade route agreement sa Indonesia, energy sector cooperation sa Brunei, investment potential at billions sa tourism revenue at iba pang programa na nakatuon sa economic integration ng mga bansang bumubuo ng ASEAN na para sa amin ay tama lang dahil ito ang tamang lugar para ito ay matalakay.

Maging ang isang dating ambassador ng Pilipinas sa United Nations na si Lauro Baja Jr. ay nagsabing panalo si Pangulong Duterte sa pagsulong ng mga programa sa ilalim ng Asean Economic Community (AEC) lalo na sa interconnectivity ng mga miyembro ng ASEAN.

Kaya naman sa lahat ng nasa likod ng matagumpay na ASEAN Summit, isang pagsaludo ang nais nating ipaabot dahil ipinamalas ninyo ang inyong tunay na pagiging mga pinuno at iprinayoridad ang kapakanan ng ating bansa.