Umaabot na sa 88,000 mga drug pusher at user sa buong bansa ang sumuko ayon sa record ng mga tanggapan ng gobyerno na nakatutok sa kampanya laban sa iligal na droga.
Dahil sa malaking bilang ng mga sumurender na mga drug dependent ay hindi malayo ani Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ismael Sueno na maging record-breaking ito at maitala sa Guinness World Records dahil wala pang nakakagawang bansa na ganito katagumpay sa operasyon.
Mabuting hindi maganda ng implikasyon ng napipintong mapitas na record ng Pilipinas pagdating sa usapin ng iligal na droga.
Mabuti dahil patunay ang laki ng bilang ng mga sumuko na matagumpay ang kampanya ng gobyernong Duterte sa iligal na droga.
Hindi maganda dahil patunay ito na ang laki ng problema ng bansa sa iligal na droga na nabigong bigyang atensyon ng mga nagdaang gobyerno kaya lumala ng ganito katindi.
Pero kaakibat ng nakaabang na record ng ating bansa sa dami ng mga sumukong drug dependent ay hangad natin ang tuluyang pagbabago ng mga kababayan nating sumurender.
Aanhin natin ang dami ng bilang ng mga nagsisuko kung wala namang pagbabagong magaganap sa mga kababayan nating sumuko.
Dapat kasabay ng pagsuko ng mga drug dependent ay tuluyan na nilang talikdan ang masamang bisyo at sana ay ibigay ng mga mahal sa buhay o ng kahit sinuman sa komunidad ang kanilang suporta sa mga kababayang nagnanais nang magbagong-buhay.