Masuwerteng walang nasawi o nasaktan nang pasabugan ng granada ang tahanan ng hepe ng Criminal Investigation and Detection Group-Autonomous Region in Muslim Mindanao (CIDG-ARMM) sa Brgy. Bulalo, Sultan Kudarat, Maguindanao nitong Biyernes nang gabi.
Hindi pa mabatid kung sino ang naghagis ng granada pero sinabi ni Chief Inspector Esmael Madin, hepe ng CIDG-ARMM, na alam niya kung sino ang nasa likod nito at maging ang patuloy na pagbabanta na natatanggap niya at ng kanyang pamilya.
Ipinahiwatig ni Madin na may kinalaman sa kalakaran ng iligal na droga sa rehiyon ang nasa likod ng pagpapasabog sa kanyang tahanan, na nasakote sa kanilang mga operasyon nitong mga nakalipas na buwan.
Katunayan, matapos umano ang pagpapasabog sa kanyang bahay ay nakatanggap si Madin ng text message na nagsasabing umpisa pa lamang iyon at marami pa ang kasunod.
Sa kabila nito, sinabi ni Madin na hindi mapipigilan ng mga kriminal ang patuloy na kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad sa kabila ng pananakot sa kanya.