Sa loob lang ng isang linggo, dalawang “kakaibang” insidente na kinasangkutan ng mga Chinese ang nakatawag ng matinding pansin sa ating mga Pinoy — isang babaeng Chinese na nangsaboy ng taho at isang lalaking Chinese na umano’y nanghipo.
Bago tayo rumatsada, linawin lang natin na hindi natin nilalahat ang mga Chinese.
Maraming Tsino na nandito ang mababait at marunong gumalang sa mga Pinoy at sa rumerespeto sa kultura ng mga Pinoy. Sabi nga ng ating kurimaw na mahilig sa tikoy, kahit naman ang mga Pinoy eh hindi naman matino lahat.
Buweno, dalawang insidente nga na sangkot ang mga Chinese ang nakatawag nang husto sa atensyon ng mga Pinoy. Una ang isang Chinese na babae na nagsaboy ng taho sa isang pulis habang nasa isang estasyon ng MRT, at ilang araw lang ang lumipas, isang Chinese na lalaki naman ang inireklamo na nanghipo ng mga babae sa isang horror house.
Kung tutuusin, marami pang ibang insidenteng nangyayari sa ‘Pinas na sangkot ang mga Chinese.
Iyong nga lang, hindi siguro nakararating sa kaalaman ng media dahil hindi siguro nakukuhanan ng picture at video para mag-viral sa social media, o kaya eh walang nagrereklamo.
Hirit tuloy ng ilan, baka akala raw ng mga ito ay probinsiya na talaga ng China ang Pilipinas kaya malakas ang loob nilang gawin ang gusto nila. May mga larawan nga na lumabas din noon sa social media na makikita ang ilang Chinese na ina na hinahayaan ang kanilang mga anak na umebak o umihi sa ilang pasyalan at tila ginawang malaking kubeta ang Metro Manila.
Siyempre, iba pa ‘yung madalas na pagkakasangkot nila sa droga na para bang naging karaniwan na lang na balita sa atin.
Kaya lang, hindi naiwasan ng ating kurimaw na mapuna ang naging reaksyon ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin sa insidente ng pagsaboy ng taho ng Chinese sa ating pulis na tinawag niyang, “pathetic” at “non-issue”.
Marami ang naasar sa inasal ng babaeng Chinese at sumuporta sa mga mungkahi na dapat ipa-deport siya o kaya ay parusahan. Pero ang gusto ba ni secretary eh magkapatawaran na lang kahit isang nakaunipormeng pulis ang lantarang nataho, este nabastos? Na kung tutuusin, ginagawa lang naman ng pulis ang kaniyang trabaho na ipatupad ang direktiba na bawal magpasok ng “liquid” material dahil sa isyu ng seguridad. Bukod doon, bawal din ang pagkain sa estasyon.
Tanong ng ating kurimaw, kung Immigration personnel kaya ang binuhusan ng taho ng Chinese, ganu’n din kaya ang sasabihin ni secretary? Noong nakaraang buwan, nasangkot sa insidente ng sigawan at murahan sa isang Immigration official ang Fil-American actor na si Tony Labrusca.
Sa pamamagitan ng post sa Twitter, sabi ni Locsin tungkol kay Labrusca, “Just deport him.”
Makaraan nga ng ilang araw, nabalita naman ang isang Chinese na lalaki na inirereklamo ng panghihipo sa mga Pinay na babae sa loob ng horror house ng isang amusement park. Baka naman nasobrahan lang siya nang takot kaya naghanap ng makakapitan. Hindi kaya?
Ang matindi nito, may alegasyon pa na may mga pulis na tila nag-engganyo pa sa mga biktima na makipag-areglo. Pero hindi naman nagpatinag ang mga biktima kaya tuloy ang reklamo at nakakulong ngayon ang dayuhan.
Ang nanaboy naman ng taho, nakapagpiyansa sa kasong isinampa sa kaniya, pero hinuli ulit ng Immigration para imbestigahan sa hiwalay na kaso na deportation. Ang tanong, makaapekto kaya ang reaksyon ni Locsin sa deportation case ng Chinese? Anong insidente naman kaya ang sunod nating mababalitaan na sangkot sila, maliban sa pagtataboy nila sa mga mangingisda natin sa West Philippines Sea? Aba’y abangan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”