Nasa kustodiya na ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence Division kamakalawa nang gabi ang babaeng Chinese na nambuhos ng taho sa isang pulis sa loob ng Boni Avenue station noong Pebrero 9 sa Mandaluyong.

Sinabi ni BI Spokesperson Dana Krizia Sandoval na si Zhang Jiale, 23, ay idinetine na sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa dahil sa paglabag sa immigration laws pagkatapos na irekomenda ng legal department ang kanyang deportasyon.

Si Zhang ay kinasuhan na bilang undesirable alien dahil sa panganib ito sa public interest matapos magpakita ng kawalan ng respeto sa awtoridad na isang pambabastos na rin sa bansa.

Nauna rito’y nag-viral sa social media ang ginawang pagbuhos ng taho ni Zhang kay PO1 William Cristobal ng Manila Police District.

Si Zhang ay nalaman na nakapagpiyansa na sa kasong direct assault, disobedience to an agent of a person in authority at unjust vexation sa Mandaluyong City prosecutor’s office.

Nilinaw ni Sandoval na ang kaso ni Zhang sa BI at Mandaluyong Prose­cutors Office ay magkaiba.