Nasawi ang isang 31-anyos na taho vendor matapos pagsasaksakin ng kanyang nakaalitang kapwa taho vendor kamakalawa ng gabi sa San Andres Bukid, Maynila.

Namatay habang ginagamot sa Sta. Ana Hospital ang biktimang si Francisco Florendo Jr. alyas ‘Bonjay’, habang tumakas naman ang suspek na nakilalang si Alexander Alos alyas ‘Alex’, na mabilis na tumakas matapos ang pananaksak sa biktima.

Sa imbestigasyon ni PO3 Ryan Jay Balagtas ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS), naganap ang insidente dakong alas-otso ng gabi sa may Crisolita St. San Andres Bukid, Maynila.

Ayon sa nakasaksing si Judenith Campo, nakita niya na nagkasagutan umano ang suspek at biktima sa hindi malamang kadahilanan, kasunod noon ay bumunot ng patalim ang suspek at sunod-sunod na inundayan ng saksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nang bumagsak ang biktima mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod naman sa pagamutan ang biktima.

Dinala naman ang bangkay sa St. Yvan Funeral para sa awtopsiya at safekeeping.