Nahaharap sa deportasyon ang isang Filipina caregiver sa Taiwan dahil sa kanyang social media post na bumabatikos kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pahayag na inilabas ni Labor Attache Fidel Macauyag, kinilala ang caregiver na si Elanel Ordidor.

Ayon kay Macauyag, noong Abril 20, pinuntahan na nila si Ordidor sa Yunin County at kinausap ukol sa kaniyang mga post sa Facebook.

Nangako naman ang caregiver na tatanggalin na ang uploaded videos nito laban sa Pangulo matapos itong sabihan na maari siyang kasuhan sa Pilipinas at Taiwan.

Ngunit makalipas ang ilang oras, may mga post muli sa Facebook account ng POLO Taichung na nagpapahayag ng suporta kay Ordidor.

Sinabi ni Macauyag na gumagamit ng ibang account si Ordidor at bumuo pa ito ng grupo para siraan si Pangulong Duterte.

Dahil dito, kinausap na ng opisyal ang amo ni Ordidor at ipinaliwanag ang nilalabag ng caregiver na Republic Act 10175 (Cyber Crime Act).

Sabi pa ni Macauyag, layon ng mga post ni Ordidor na maghasik ng galit sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19.

Samantala, tinanggi naman ni Pangulong Duterte na may kinalaman siya sa pagpapauwi ng nasabing Pinay caregiver sa Taiwan.

“Wala po kaming ganyang kompirmasyon dahil alam niyo naman po sa Taiwan merong isang kandidato diyan na tumakbo at nanalo ata, at ang kanyang sinasabi ay kinakailangan eh gayahin ang Taiwan yung war on drugs ng Presidente Duterte,” sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa dzBB kahapon.

“So wala pong katunayan na tayo mismo ang naghingi ng deportation na yan kasi hindi naman po natin pinakikialaman yung mga milyon milyong (overseas Filipino workers) at lahat ng kanilang sinasabi dahil dito po sa ating bayan ay meron naman tayong karapatan ng malayang pananalita,” dagdag ni Roque.

Sa isang statement ng Department of Labor and Employment (DOLE) inakusahan nito ang caregiver na si Elanel Egot Ordidor ng cyberlibel dahil sa: “willful posting of nasty and malevolent materials against President Duterte on Facebook intended to cause hatred amidst the global health crisis brought about by the COVID-19 pandemic.”

“ The sharing and posting of such videos are punishable under Republic Act 10175 or the “Cybercrime Prevention Act,” sabi pa umano ng DOLE. ( Mina Aquino/ Prince Golez)