Taiwanese kinidnap ng Dalawang Chinese

Nahaharap ngayon sa kasong illegal detention ang dalawang Chinese national matapos maaresto sa isang rescue operation na isinagawa ng mga tauhan ng Pasay City Police sa isinagawang pagkulong sa isang Taiwanese kamakalawa.

Kinilala ni Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police ang naarestong suspek na sina Liu Ning, 37, naninirahan sa Tambo, Parañaque City at Zhu Yizhi, 43, kapwa tourist, pansamantalang nanunuluyan sa No. 822 Maxim Hotel, Resorts World Manila.

Alas-sais ng gabi nang ikulong ng mga suspek ang biktima sa tinutuluyang hotel ni Yizhi.

Ayon kay Yang, lumapit sa kanila ang kinatawan ng Taiwan sa bansa para humingi ng tulong hinggil sa pagkulong sa kanilang kababayan.

Ayon kay Yang, ikinulong ng dalawang suspek ang biktima dahil sa umano’y hindi nabayarang utang sa mga biktima mula sa pagsusugal sa casino.

Dahil dito, agad na nagkasa ng rescue ope­ration ang mga awtoridad sa nasabing hotel sa Brgy. 183 Villamor Pasay City kung saan naabutan ang biktima at ang dalawang­ suspek, na agad na ­inaresto.

Nabatid na agad na nakapagsumbong ang biktima sa kapwa niya Taiwanese na agad namang nakapagsumbong sa mga awtoridad dahilan para maaresto ang mga suspek at na-rescue ang biktima. (Armida Rico)