Patay ang isang Taiwanese national matapos itong magbaril sa sarili sa Pasay City kamakalawa.
Namatay noon din ang ‘di na pinangalanang dayuhang Taiwanese, nasa hustong gulang, nanunuluyan sa isang hotel sanhi ng tinamong bala sa sentido matapos magbaril gamit ang 9mm pistol.
Sa report ni Chief Insp. Wilfredo Sangel, hepe ng Station Investigation Detective and Management Branch ng Pasay City Police, alas-tres ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng F.B. Harrison St., Barangay 76 Zone 10, tabi ng Mabuhay Manor Hotel ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Genomar Geraldino, naka-check in sa isang hotel ang dayuhan subalit lumabas ito, umupo sa bangketa ‘di kalayuan sa hotel at inilabas nito ang baril mula sa bitbit na itim na bag, sabay baril sa sentido nito.
Ayon kay SPO3 Geraldino, kinausap pa ng dayuhan ang hotel supervisor at naghahanap ng kuwartong may bintana.
Hinihinala ng pulisya na bago pa man mag-check in ay may balak nang magpatiwakal ang biktima.
May nakuhang suicide note ang pulisya ngunit sulat-Taiwanese at Chinese kaya hindi ito maintindihan.