Hinikayat ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando ang lahat na makiisa sa nalalapit na Takbo Para sa Kalikasan 2019 fun run sa pakikipagtulungan sa Department of Interior and Local Government na may temang ‘Philippines Run in Support of the Battle for Manila Bay’ sa darating na Nobyembre 10, 2019.
Magsisimula ang fun run sa ganap na alas-kuwatro nang madaling-araw sa Bulacan Sports Complex sa Barangay Bagong Bayan (Sta. Isabel) sa lungsod na ito bilang starting point.
Layunin nito na mapalawak ang kaalaman hinggil sa rehabilitasyon ng mga coastal area kung saan ang 3K U-turn run ay magtatapos hanggang sa Dunlop repair shop sa McArthur Highway, Barangay San Pablo habang ang 5K U-turn run naman ay magtatapos sa Tikay Elementary School at ang 10K U-turn run naman ay magwawakas sa harap ng Bulacan Polytechnic College pabalik sa starting point.
Ayon kay Jayson Vinta, tumatayong pinuno ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Office, mahigit 15,000 ang inaasahang lalahok sa pagtakbo at ang mga magwawagi ay gagawaran ng perang gantimpala, mga medalya at tropeo sa bawat kategorya.
Makikipagtulungan din ang Red Cross Philippines-Bulacan Chapter at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office upang masiguro ang kaligtasan ng mga mananakbo.
Samantala, sinabi naman ni Fernando na ang fun run ay ‘di lamang mabuti sa kalusugan kundi pati na rin sa kalikasan.
“Napakagandang ideya ng fun run na ito dahil hindi lamang ang kalusugan natin ang mabebenepisyuhan kundi mapapangalagaan din natin ang ating kapaligiran lalo na ang mga coastal area sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga kaalaman tungkol dito,” anang gobernador. (Jun Borlongan)