Takbuhan ng mga biktima ng pang-aabuso binuksan sa Navotas

Pormal na pinasinayaan nina Navotas City Mayor John Rey Tiangco at Lone District Representative Toby Tiangco ang pagbubukas ng Women and Children Protection Unit (WCPU) na nakabase sa Navotas City Hospital (NCH) sa Barangay San Jose.

Layunin ng WCPU na masiguro na may masisilungan ang mga kababaihan at mga kabataang biktima nang pang-aabuso.

Kasama din sa mga sumaksi sa inagurasyon sina Department of Health Regional Director Corazon Florez at mga halal na opisyal ng Navotas City Hall.

Ayon naman sa DOH, dapat may WCPU sa bawat pampublikong ospital pero base sa website ng ahensya, 721 na pampublikong ospital sa bansa, 94 lamang ang may WCPU at mga violence against women and children (VAWC) desk.

“Maipagmamalaki na natin na ang NCH ay isa na sa mga pampublikong ospital sa bansa na may kakayahang makapagbigay ng agarang serbisyo sa mga babae at batang naabuso,” ani Mayor Tiangco.

Sa WCPU dadalhin ang mga kabataan at mga kababaihan na biktima ng pang-aabuso sa Navotas City. (Orlan Linde)