Dear Sir:

Magkakasunod na bomb threat ang kumalat sa ilang paaralan sa kalakhang Maynila. Hindi nakakatulong ang pag papakalat at pagpapasa ng maling impormasyon gamit ang text messages pati ang social media, hindi ito ang paraan upang maging babala at pag-ingatin ang publiko.

Takot at pangamba lamang ang dala ng mga maling detalye tungkol sa bomb threat na nagsimulang kumalat matapos ang naganap na pagsabog sa Davao. Malinaw na nais ligaligin ng mga taong nag umpisa nito ang mamamayan at hindi pagbibigay babala ang pakay nito.

May kaukulang kaparusahan ang pagbibiro o pagkakalat ng maling impormasyon tungkol sa bomb threat, na maaaring magdulot ng pagkagulantang at pagkabahala ng mga tao lalung-lalo na sa pampublikong lugar tulad ng malls, palengke, istasyon ng tren, eskwelahan at iba pa. Nakapaloob sa Presidential Decree No.1727 Sec 1 na maaaring mauwi sa 5-taong pagkakakulong at ‘di bababa sa P40,000 na multa.

Sa halip na makatulong ay lalo lamang itong nagdadala ng takot sa mamamayan. Sana ay itigil na ng mga taong walang magawa ang pagpapakalat ng mga pananakot na ito. Walang naibubungang mabuti sa gobyerno at nakadaragdag perwisyo maging sa mga paaralan at mga estabilisyamento na nagkakansela ng klase at trabaho ng dahil sa mga bantang katulad nito.

— Ann Klein D. Flores
Bataan

***

Dear Sir:

Sa ngayon ay nasa ilalim tayo ng krisis ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa extra judicial kil­lings, iligal na droga at terorismo at nadagdagan pa ng pagpapasabog sa Davao kamakailan, dahilan upang magdeklara siya ng state of lawlessness.

Mas pinaigting ang pagpapakalat ng mga pulis at militar maging sa mga checkpoint sa mga matataong lugar. Para sa mga nag aagam-agam nating kababayan na nag-iisip kung katumbas ng Martial Law ang state of lawlessness sinabi ni Duterte na hindi ito kahalintulad ng Martial Law na nag tanggal sa karapatan ng mga mamamayan. Maaari niyang bigyan ng utos ang kapulisan at sandatahang lakas upang pamahalaan ang bansa na hindi maabuso o mawawala ang demokrasya.

Dahil ditto ay asahan natin na mas darami pa ang mga unipormadong sangay ng gobyerno na makikita sa mga matao at pampublikong lugar.

— Nikki Serrano, Baguio City