Dahil sa kaliwa’t kanang pag­tumba ng mga nasasangkot sa iligal na droga, isang hinihinalang drug pusher sa Cavite ang tila tanggap na ang magiging kahihinatnan ng pagpapatuloy nito sa operasyon ng iligal na droga.

Kaya naman kitang-kita sa palitan ng text message sa narekober na cellphone sa crime scene na pag-aari ng isang 41-anyos na umano’y drug pusher ang posibi­lidad na mapabilang siya sa dumaraming bilang ng mga drug personality na napapatay sa mga lehitimong operasyon ng pulisya.

“Pre may cal 45 ka ba diyan? 38 lang tong kargada ko eh, pamproteksyon lang, madu-Duterte rin naman tayo eh, kahit mga pulis pa ‘yan, puputukan ko, makatabl­a man lang” ang nilalaman ng text ng napaslang na si Mark ­Hizon alyas Mccoy sa kanyang kaibigan, bago­ naganap ang buy bust sa Brgy. Pulborista, Bina­kayan, Kawit, Cavite, pasado alas-11:00 ng gabi­ kamakalawa.

Nagtamo ng mga tama­ ng bala sa mukha at kata­wan ang suspek nang makipagpalitan ng putok sa mga tauhan ni C/Insp. Resty Soriano, hepe ng Kawit Municipal Police Station, habang sakay ng kanyang motorsiklo at tangkang tumakas.

Narekober naman ng mga operatiba ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) team sa pinangyarihan ng engkwentro ang ilang sachet ng shabu at baril na ginamit umano ng napaslang na suspek.

May natagpuan ding pitaka na pag-aari umano ng suspek na may sulat mula sa kanyang karelas­yon na naglalaman ng mga tila babala sa posibleng mangyari sa kanya kung hindi titigil sa tiwa­ling gawain.