Mabuti na lang nag-resign si Vice President Leni Robredo bilang chairperson ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) dahil kung hindi ay tatanda s’ya sa problema dahil walang pondong inilaan ang mga economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte para ipampatayo ng bahay ng mga mahihirap sa susunod na taon.

Ang tanging may pondo na P1.6 billion ay housing projects sa mga pulis at sundalo pero ang mga karaniwang mamamayan ay walang kahit isang singkong duling na pampatayo ng mga bahay.

Puwedeng ikatuwiran ng mga magagaling na economic managers ni Duterte na hindi yata nakaranas ng hirap, na marami namang pabahay ang hindi pa naookupakahan na puwedeng paglagyan ng mga maralitang taga-lungsod na wala pang bahay.

Pero ang plano ni House Committee on Housing and Urban Development chairman Albee Benitez ay sa near-city o in-city ang itatayong mga pabahay para hindi na mailayo ang mga maralitang taga-lungsod sa kanilang trabaho at eskuwelahan ng kanilang mga anak.

Kaso walang inilaang pondo ng mga magagaling na mga economic managers ni Duterte kaya papaano maitayo ang mga pabahay na malapit o sa mismong tinitirikan ng mga barong-barong ng mga mamamayan na walang maayos na tirahan.

Ngayong panahong ito, umaabot sa 2 million ang housing backlog at kung hindi magbabawas nga­yon ang gobyerno at matatambakan sila sa problema ng pabahay dahil pagdating ng taong 2022 ay aabot sa 6.8 million ang housing backlog.

Ano na lang ang ipamana ni Duterte sa mga mahihirap? Wala kahit isang haligi ng bahay pagbaba niya sa puwesto. Hindi na ako magtataka kung sa­sabihin ng mga tao pagdating ng araw na wala na siya sa puwesto na ‘siya ang pangulong walang paki sa mga pobre’.

‘Yan ang problema sa mga lider ng bansa na hindi nakaranas ng hirap, hindi nila naintindihan ang kalagayan ng mga mahihirap kaya akala nila eh okey na ang buhay ng mga Filipino dahil maayos ang kanilang kalagayan.

***

Marami akong nakausap na bumoto kay Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang eleksyon, ang pangunahing dahilan ng kanilang desisyong iboto kung bakit siya ang ibinoto… dahil matapang.

Kailangan daw kasi ng lider ng bansa ang matapang na lider dahil mula daw nang mawala si dating Pangulong Ferdinand Marcos at malamya na ang mga sumunod na pangulo ng bansa.

May nagtapang-tapangan sa mga dating Pangulo pero nasasangkot naman sa katiwalian kaya naghanap ang mga Filipino nang ma­tapang na lider at sa mga kandidato noong nakaraang eleksyon si Mang Rody lang ang matapang sa kanila kaya siya ang naiboto.

Marami kasi ang umaasa na kapag matapang ang lider ng bansa ay magagaya na ang Pilipinas sa Singapore dahil nagkaroon sila ng matapang na lider sa katauhan ni Lee Kuan Yew.

Pero sa nangyayari ngayon, baka matakot na ang mga tao na magkaroon ng isa pang matapang ng Pangulo ng bansa dahil nasobrahan ang tapang daw ng Pangulo natin ngayon.

Tapang na sinasabayan pa ng ibang lider ng bansa kaya marami na ang natatakot sa isang matapang na lider kaya baka hindi na raw sila boboto ng matapang na lider sa susunod. (dpa_btaguinod@yahoo.com)