Taktika ni Barroga epektibo sa Cignal

Taktika ni Barroga epektibo sa Cignal

Mga laro ngayon:
(FilOil Flying V Centre)
2:00 p.m. – Sta. Lucia vs Petron
4:15 p.m. – Foton vs F2 Logistics
7:00 p.m. – Cignal vs United VC

Matapos masugatan sa u­nang laro, biglang bumalasik ang Cignal sa 7th Philippine Superliga 2019 Grand Prix elims.

Target ng HD Spikers na pahabain ang winning streak sa apat pagharap sa United Volleyball Club mamayang alas-siyete nang gabi sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Nalugmok ang HD Spikers sa F2 Logistics sa opening day, Pero pagkatapos ay bumangis at nilaglag ang tatlong nakatunggali upang upuan ang No. 3 sa team standings kalong ang 3-1 karta.

Una nilang tinalupan ang PLDT Home Fibr, sunod ang Sta. Lucia at Generika-Ayala.

Ayon kay coach Edgar Barroga, nag-adjust lang sila nang konti sa mga panalo pagkatapos lumuhod sa Cargo Movers.

“I made some adjustments and new rotations to match the firepower of the imports of the opposing team,” saad ni Barroga, na inilagay si Azerbaijani import Anastasiya Artemeva sa open spiker spot habang si national team member Mylene Paat ay ipinuwesto sa opposite.

Hindi nabigo si Barroga sa kanyang desisyon kaya naman lumakas ang tsansa ng team sa asam na titulo.

Masisilayan din ang bakbakang defending champion Petron at Sta. Lucia sa alas-dos nang hapon habang magkatapat ang F2 Logistics at Foton sa alas-4:15.