Inaasahang magiging madugo na naman ang talakayan kaugnay sa panukalang 2018 national budget dahil makakalkal na naman kung paano ginamit ng pamahalaan ang inilaang pondo ngayong taon partikular kung ito’y ginastos nang maayos.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, sa pagtalakay sa 2018 proposed budget, inaasahan na ang pagsusuri at pagtatanong ng mga senador sa mga ahensiya kaugnay sa paggamit sa kanilang budget at dito na rin malalaman kung may mga under-spending o hindi nagamit na pondo.
Sinabi ng senador, mahalagang malaman kung naging maayos ang paggamit ng pondo at kung nagkaroon din ng mga pagkaantala.
“It’s a valid question because budget hearings are sessions where they’ll be asking for fund replenishment. So before we replenish, we should ask if they’ve been prompt in disbursing,” ayon kay Recto.
Bago umano ibigay ang hinihinging budget para sa susunod na taon kailangang mahimay at pag-aralan munang mabuti ang aspetong may kinalaman sa “income at spending” upang maging balanse.
“We will be looking at both ledgers. Income and spending. Bakit ka hihingi ng ganito kalaking bagong revenues kung hindi mo naman nagagasta?” giit ni Recto kasabay ng paglilinaw na ang pagbusisi sa ginastos ay hindi lamang upang matukoy ang mabagal na implementasyon ng programa kundi ang posibleng sobra-sobrang budget.
Tinukoy pa ng senador na ang pagpapataw ng panibagong buwis ay kanilang iniiwasan kung maaari namang remedyuhan ito sa ibang paraan tulad ng pagbabawas ng walang kabuluhang gastusin.
“Ito ang matagal na naming sinasabi sa kanila. Can we not cut the frivolous expenses first so that we can reduce the number of new taxes you are asking for. Halimbawa, the hotel industry earns billions from government seminars?” giit pa ng senador.